Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga tanggapan ng pamahalaan na bilisan ang pag-abot ng tulong sa mga residenteng apektado ng lindol na tumama sa Davao Occidental.
Matatandaang niyanig ng 6.8 magnitude na lindol ang Davao Occidental nitong Biyernes, November 17.
Sa isang social media post, sinabi ni Pangulong Marcos na aktibong tumutugon ang pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, agad na kumilos ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang nakikipag-ugnayan naman ang Civil Defense Regional Offices sa local units upang makapaghatid ng real-time updates.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang sentro ng lindol 30 kilometro sa timog kanluran ng Sarangani, Davao Occidental.
Paalala ng ahensya, asahan ang aftershocks at pinsala na kaugnay sa naganap na lindol.