Nitong November 8, 2023, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang wreath laying ceremony sa Tacloban. Sa kanyang speech sa 10th Commemoration Anniversary ng super typhoon Yolanda, ipinag-utos ng Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na bilisan ang pamimigay ng tulong sa mga nakaligtas sa nasabing bagyo.
Matatandaang noong November 8, 2013, nag-landfall sa Pilipinas ang super typhoon Haiyan o mas kilala bilang Yolanda. Itinuring ito bilang worst-ever natural disaster ng bansa.
Naiulat na 6,300 ang namatay dahil sa bagyong ito, pero hindi kailanman malalaman ang aktwal na bilang nito. Kahit mismo si Pangulong Marcos Jr., kwinekwestyon ang nasabing official death toll.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa higit 16 million Filipinos ang direktang naapektuhan ng bagyong Yolanda. Tinatayang 89 billion pesos na halaga ng mga ari-arian at imprastraktura ang nasira, kabilang na ang higit sa isang milyong bahay.
Sa House plenary debates na ginanap noong September 21, 2022 para sa proposed 2023 budget, sinabi ni Navotas Lone district Representative Toby Tiangco na 200,000 housing units na ang natapos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa ilalim ng Yolanda housing project.
Higit sa 209,000 housing units ang target maipatayo sa nasabing programa. 63,582 units mula dito ay ipamamahagi sa Region 8 – Eastern Visayas na pinaka-naapektuhan ng Yolanda.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na si Pangulong Marcos Jr. sa DHSUD at National Housing Authority (NHA) na pabilisin ang pamimigay ng housing units at titulo ng lupa para sa mga benepisyaryo.
Hinihikayat din ni Pangulong Marcos Jr. ang Yolanda Response Clusters na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para matugunan ang mga isyu ng iba’t ibang apektadong komunidad.
Bukod dito, hinimok din niya ang local at national governments na ituloy ang pagbibigay ng tools at resources sa mga biktima ng Yolanda para sa muling pagbangon ng kanilang mga buhay.
Para sa Pangulo, bagamat sampung taon na ang nakalipas mula nang mangyari ang bagyong Yolanda, hindi pa rin tapos ang trabaho dito dahil marami pa rin ang nangangailangan ng tulong. Tiniyak naman niyang laging nagsusumikap ang administrasyong Marcos para siguraduhing hindi na mauulit ang ganitong uri ng trahedya.