Pinahahalagahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ginawang hakbang ng dating administrasyon upang makamit ang kapayapaan at pag-unlad ng bansa ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, patunay dito ang Amnesty Program na inilabas ni Pangulong Marcos kamakailan.
Sa bisa ng amnesty proclamations, mabibigyan ng pardon ang mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo, katulad ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA), National Democratic Front of the Philippines (NDFP), Alex Boncayao Brigade (ABB), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Moro National Liberation Front (MNLF).
Pagpapatuloy ito sa amnesty program noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa House Speaker, hindi lang ito simpleng hakbang sa pagkakasundo. Mahalaga rin umano ito sa pag-unlad ng kapayapaan at ekonomiya.
Samantala, handa naman ang Kamara na makipagtulungan sa Executive Department para sa mga kinakailangan pang programa upang masigurong magiging produktibo ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde.