Paparating na ang Christmas season. Para kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., magandang regalo para sa higit 770 na pamilya sa Antique ang pagkakaroon ng bagong tahanan ngayong pasko. Dahil dito, ipinag-utos niya sa National Housing Authority (NHA) ang agarang pagkumpleto sa housing project sa nasabing lugar. Sinang-ayunan naman netizens ang utos na ito.
Pumasok sa Pilipinas ang bagyong Paeng noong October 29, 2022 na nagdala ng napakalakas na hangin at ulan. Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa higit 4.5-billion pesos. Lubos nitong naapektuhan ang probinsya ng Antique.
Almost a year later, October 6, 2023, kasabay ng smuggled premium rice distribution sa San Jose, Antique, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na nalaman niyang may hindi pa tapos na housing project ang NHA sa probinsya na ipamimigay sana sa mga pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa bagyong Paeng.
Ang nasabing housing project ay nasa middle stage pa pero hindi na tinapos. Ayon sa Pangulo, inutusan niya ang ahensya na tapusin ang proyekto para magamit naman. Dahilan niya, ginastusan na iyon ng gobyerno at maraming nangangailangan ng tahanan. Sayang naman kung pababayaan lang.
Nais ni Pangulong Marcos Jr. na makalipat na ang beneficiaries sa kanilang bagong bahay bago mag-pasko. Best news para sa kanya ang malamang may higit sa 770 na pamilya na naapektuhan ng bagyong Paeng ang magpapasko sa kanilang bagong tahanan.
Sakto ang direktibang ito ng Pangulo sa National Shelter Month. Matatandaang nitong October 2, 2023 pinangunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang selebrasyon nito kung saan itinampok ng ahensya ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Marcos Jr.
Nangako ang Pangulo na palalawigin niya ang kanyang Pabahay Program. Nais ng administrasyon niyang bigyang solusyon ang 6.5 million housing needs ng bansa sa pamamagitan ng pamimigay ng 1 million units kada taon hanggang 2028.
Sa bisa ng Executive Order no. 34, idineklara ang Pambansang Pabahay program bilang flagship program ng pamahalaan. Dito, hinikayat ni Pangulong Marcos Jr. ang lahat ng national government agencies, local government units, at iba pang kinatawan ng gobyerno na suportahan at makipag-coordinate sa DHSUD para maging successful ang programang ito.
Masasabing maganda ang hangarin ni Pangulong Marcos Jr. na tugunan ang housing needs ng mga Pilipino, partikular na sa mga lugar na lubos na naapektuhan ng mga kalamidad.