Panahon na ng Christmas parties at ibig sabihin nito, panahon na rin ng pa-raffle! Sino ba naman ang ayaw mabunot sa raffle? Pero alam mo ba kung ano ang pa-raffle ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga empleyado ng Office of the President (OP)? House and lot lang naman.
Bilang pasasalamat sa mga empleyado ng OP, isinagawa ni Pangulong Marcos Jr. ang two-day family event sa Kalayaan Grounds sa Malacañang nitong December 2, 2023.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., natutunan niya sa ama niyang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang pagsasagawa ng family event para sa mga nagtratrabaho sa OP. Utos sa kanya ng kanyang ama, huwag mag-damot sa staff dahil sila ang tumutulong sa kanila.
Kasama si Executive Secretary Lucas Bersamin, pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang raffle draw kung saan dalawa ang nanalo ng multipurpose trike at sampu ang nanalo ng housing units mula sa National Housing Authority (NHA).
Nagkaroon din sa nasabing event ng iba’t ibang government services, gaya ng free medical consultations at murang pagkain na directly sourced mula sa local farmers.
Sabi ni Pangulong Marcos Jr., kahit gaano kasipag at kagaling ang isang lider, hindi pa rin magagawa ang lahat ng kailangan kung hindi rin masipag at magaling ang mga empleyado niya. Kaya naman labis ang pasasalamat ng Pangulo sa pagsisikap ng mga bumubuo ng OP upang makapagbigay ng magandang serbisyo sa taong-bayan.