Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) Center sa Philippine Heart Center, isang pasilidad na nagbibigay ng magdamagang atensyong medikal para sa mga Pilipino.
Sa kanyang talumpati, idiniin ni Pangulong Marcos na magsisilbi ang BUCAS Center bilang tulay sa pagitan ng health centers at mga ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang serbisyong medikal, kabilang na ang minor surgeries.
Bahagi ang BUCAS Centers sa “28 for 28 by 28” initiative ng Department of Health (DOH) na layong magpatayo ng 28 primary health facilities para sa 28 milyong Pilipino pagsapit ng 2028.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 31 BUCAS Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, nagkaloob din si Pangulong Marcos ng kabuuang P520 milyong donasyon na magsisilbing pondo para sa mas maraming proyektong pang-medikal.