Muling ipinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong suporta nila ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig.
Sa inagurasyon ng Phase 1C ng Pasig River Urban Development Project (PRUDP) showcase area, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na lilikha ng pang-ekonomiyang aktibidad at magpapasigla sa turismo ang rehabilitasyon sa Ilog Pasig.
Ayon sa pangulo, nakatuon ang Phase 1C sa pagkakaroon ng pedestrian-friendly infrastructure, commercial zones, at green spaces.
Tampok dito ang isang palapag na gusali at 30 commercial stalls na mayroong modern amenities kabilang ang sewage treatment, individual electric at water meters, fire protection, at public restrooms.
Kaugnay nito, nanawagan si Pangulong Marcos sa publiko na panatilihin ang kalinisan, kagandahan, at seguridad sa Ilog Pasig kapag matapos na ang rehabilitasyon nito.