Sabi nga nila, “Christmas is for children.” Kaya naman ngayong panahon ng Kapasukuhan, libo-libong bata ang pinasaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng “Balik Sigla, Bigay Saya” program.
Nitong November 26, 2023, pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr. ang ikalawang taon ng Balik Sigla, Bigay Saya program, isang nationwide gift-giving event ng Office of the President, katulong ang Social Secretary’s Office.
Sa Kalayaan grounds sa Malacañang, masayang tinanggap nina Pangulong Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos ang higit sa 1,700 bata mula sa mga piling shelters at orphan care centers. Kasabay nito, nagsagawa rin ng gift-giving activities ang 300 satellite centers sa buong bansa.
Naitalang 1,120 na mga bata sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap ng maagang pamasko; 449 sa Cebu; 600 naman sa Davao; at higit 14,867 sa iba pang satellite centers sa Pilipinas.
Sa kabuuan, higit 17,000 na bata ang napasaya ng pamahalaan ngayong Kapaskuhan.
Nagtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at private partners, kabilang na ang Jollibee at San Miguel Corporation, upang maayos na maidaos ang simultaneous gift-giving event sa mahigit 250 na lugar sa buong bansa.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na gawain ng ama niyang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang pagpapasaya sa mga bata sa Malacañang tuwing Kapaskuhan, kaya naman itinuloy niya ito.
Para kay Pangulong Marcos Jr., nagiging masaya ang Pasko kapag masaya ang mga bata. Kaya naman aniya, sa ngiti ng mga bata, nagkakaroon ng kabuluhan ang Kapasukuhan.