Viral ngayon sa social media ang pagpapatigil ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pangongolekta ng toll fees at iba pang pass-through fees sa lahat ng mga sasakyang may dalang produkto at kalakal.
Ayon sa Department of Trade and Industry o DTI, dahil sa aksyong ito ng Pangulo, inaasahan nila ang pagbaba ng presyo ng mga pagkain ngayong ‘ber’ months. Napakalaking tulong nito sa mga konsyumer dahil mas makakatipid sila sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Pero paano naman ang mga walang pambili?
May aksyon ang Pangulo diyan sa pamamagitan ng Food Stamp Program.
Ano ang Food Stamp Program?
Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pilot implementation ng Walang Gutom 2027: Food Stamp Program sa Tondo, Manila noong July 18, 2023.
Nitong September 29, 2023 naman, pormal na inilunsad ang Food Stamp Program sa Dapa, Surigao del Norte. Parehas itong pinangunahan ni Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa kanya, nais ng administrasyon niyang labanan ang kagutuman sa bansa, and at the same time, masiguro na makakuha ng sapat na nutrisyon ang beneficiaries nito.
Isa ang Food Stamp Program sa priority programs ng DSWD na naka-focus sa pagpapababa ng kaso ng involuntary hunger. Sa programang ito, magbibigay ang gobyerno ng Electronic Benefit Transfer (EBT) Cards na pwedeng pa-loadan ng food credits.
Nilalagyan ang bawat EBT card o food stamp ng 3,000 pesos kada buwan. Maaari itong gamitin para bumili ng prutas, gulay, karne, at bigas sa DSWD-accredited partner retailers. Mamimili ang beneficiaries sa menu na developed and certified ng Food and Nutrition Research Institute.
Ayon kay DSWD secretary Rex Gatchalian, higit sa one million food-poor families ang target mabigyan ng DSWD ng food stamps bago mag-2027. Naka-base ito sa Listahanan 3 Project na kasali sa food poor criteria ng Philippine Statistics Authority o PSA. Sa pag-aaral ng PSA, nakakakain lang ng isang beses sa isang araw ang mga pamilyang may sahod na mas mababa sa 8,000 pesos kada buwan dahil sa limitadong budget. Ito ang gustong masolusyunan ni Pangulong Marcos Jr.
Planong palawigin ng Pangulo ang Food Stamp Program sa susunod na buwan. Nasa pilot stage pa man ang nasabing programa, nagpapakita na ito ng magandang resulta at aligned ito sa long-term goal na gawing accessible ang masusustansyang pagkain para sa mga mahihirap na pamilya, lalo na sa mga nasa liblib na lugar.
Sabi nga ni Pangulong Marcos Jr., hindi naman tama na basta may pagkain, okay na. Dapat kumpleto at balanse pa rin ang nutrisyon na makukuha mula sa kinakain natin, especially para sa mga kabataan.
Isa ang Food Stamp Program sa mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon para matupad ang commitment ni Pangulong Marcos Jr. na makamit ang food security at zero hunger sa Pilipinas. Masasabing napakalaking tulong ng programang ito sa mga lubos na nangangailangan.