Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang turnover ng higit 360 housing units sa mga residente ng Cavite na naapektuhan ng Manila Bay rehabilitation .
Mula ang housing units na ito sa Ciudad Kaunlaran Housing Project. Bahagi ang proyektong ito sa flagship housing project ng administrasyong Marcos na Pambansang Pabahay para sa Pilipino program (4PH).
Ang Ciudad Kaunlaran Project ay mula sa collaborative effort ng National Housing Authority (NHA), City Government of Bacoor, at ilang government agencies at private sectors.
Ayon kay Pangulong Marcos, ipinatupad ang proyektong ito upang makapagbigay ng ginhawa sa mga Caviteñong apektado ng Writ of Continuing Mandamus ng Supreme Court sa paglilinis ng Manila Bay at sa paglilikas sa mga pamilyang nakatira sa baybayin nito.
Aniya, bilang agarang tugon, pinabilis ng pamahalaan ang relokasyon ng mga residente sa bagong tahanan na ligtas, dekalidad, kumportable, at may maayos na pamayanan.
Parte ang ipinamahaging 360 housing units sa Phase I ng Ciudad Kaunlaran Project. Target makumpleto ang unang phase bago mag-March 2024.
Samantala, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang groundbreaking ng Phase II kasabay ng turnover ceremony. Plano itong matapos sa unang quarter ng 2025 na inaasahang magiging bagong tahanan ng 120 families.
Kaugnay nito, iniulat ng Pangulo na nakapagtayo ang NHA ng higit sa 80,000 housing units sa buong bansa bilang bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na makagbigay ng tahanan sa mga pamilyang Pilipino. Mayroon namang inilaang P700 million budget sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa mga pamilyang naapektuhan ng natural at man-made disasters.
Para kay Pangulong Marcos, puno ng bagong pag-asa ang Ciudad Kaunlaran, hindi lang para sa mga benepisyaryo, kundi para sa lahat ng makakakita sa tagumpay ng proyektong ito. Aniya, sigurado siya na ang mga proyektong pabahay ng pamahalaan ang magiging daan tungo sa Bagong Pilipinas na nararapat para sa lahat ng Pilipino.