Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., “safe measure” laban sa maling gawain ang pagsuspinde sa 139 na mga opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA).
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi lang umikot sa maanomalya at paluging pagbebenta ng bigas ang isyu sa NFA. Aniya, may ilang pamamaraan sa ahensya ang isinagawa nang walang board approval at wala ring pahintulot ng Department of Agriculture (DA) at ng ilang miyembro ng gabinete.
Dagdag pa ng Pangulo, patunay lang ang aksyon ng mga sangkot na opisyal na binalewala nila ang mga proseso para sa pansariling interes.
Matatandaang pinatawan ng Office of the Ombudsman ng six-month preventive suspension sina NFA administrator Roderico Bioco at assistant administrator for operations John Roberto Hermano; kasama ang 12 regional managers, 27 branch managers, at 98 warehouse supervisors.
Paraan ito upang mapabilis ang imbestigasyon at walang maging balakid sa pagkalap ng mga ebidensya ukol sa nangyaring anomalya sa ahensya.