Nagpaabot ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tulong nito sa mga biktima ng baha at landslide sa rehiyon ng Davao.
Matatandaang nitong Miyerkules, February 7, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang P265 milyong halaga ng financial assistance para sa mga residente ng Davao na naapektuhan ng shear line at low-pressure area (LPA) .
Bukod pa ang nabanggit na tulong pinansyal sa emergency fund transfer na ibinigay ng pamahalaan.
Ipinag-utos din ni Pangulong Marcos ang agarang clearing operations sa mga kalsada, imprastraktura, at tulay para sa mabilis na paghahatid ng tulong.
Samantala, nanawagan si Vice President Sara sa mga Pilipino na maging matatag sa gitna ng mga kinakaharap na hamon.