Pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang mga opisyal ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa Malacañang.
Ayon kay Pangulong Marcos, ito’y upang marinig ang kanilang mga plano at maiayon aniya sa hangarin niya para sa bansa.
Sa nasabing pagpupulong, ipinagmalaki ni PhilSA Director General Joel Joseph Marciano Jr. Ang mga nakalatag na programa ng kanilang tanggapan.
Ang PHILSA na attached agency ng Office of the President ay itinatag sa ilalim ng Philippine Space Act o Republic Act No. 11363 na nilagdaan ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Kumpiyansa naman si Pangulong Marcos na sa pamamagitan aniya ng mga datos at siyensya na mayroon ang PHILSA ay mas mapapaigting ng pamahalaan ang pambansang seguridad, gayundin ang kahandaan sa mga kalamidad at sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
Bukod kay Marciano, dumalo rin sa pulong sina DOST Sec. Renato Solidum Jr., DND Officer-In-Charge Senior Usec. Jose Faustino Jr. At iba pa. - sa ulat ni Gilbert Perdez