Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magma-materialize o matutupad sa susunod na limang taon ang investments ng Amerika at Japan sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Pangulong Marcos kasunod ng katatapos lamang na trilateral summit ng mga naturang bansa na ginanap sa Washington, D.C.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, tinatayang $100 billion ng investments mula sa Amerika at Japan ang posibleng makuha ng Pilipinas sa loob ng lima hanggang sampung taon bilang resulta ng makasaysayang trilateral summit.
Para kay Pangulong Marcos, hindi lang pangako o ideya ang gagawing pamumuhunan ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas. Aniya, tukoy na nila ang mga sektor kung saan maaaring mamuhunan ang dalawang bansa.
Pagbibigay-diin pa ng pangulo, naisama na rin ito sa kasunduan, kaya positibo siyang matutupad at mararamdaman ng mga Pilipino ang $100 billion investment projection sa mga susunod na taon.