Sisikapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang ipasa ang ilang mga panukalang batas na magpapatibay sa cybersecurity ng bansa.
Noong November 28, 2023, nakipagpulong ang Pangulo sa Private Sector Advisory Council (PSAC) upang pag-usapan ang mga plano sa digital infrastructure. Dito, iminungkahi ng PSAC na i-certify as priority legislation ang tatlong panukala na alinsunod sa Philippine Digital Transformation Framework.
Una sa mga panukalang ito ang Senate Bill 1365 o Cybersecurity Act. Layon ng Cybersecurity Act na palakasin ang National Cybersecurity Inter-Agency Committee (NCIAC). Matatandaang noong November 15, 2019, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 95 na nag-reorganize sa naturang komite.
Binubuo ang National Cybersecurity Inter-Agency Committee ng Executive Secretary bilang chairperson at Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary bilang co-chair. Bukod sa pagpapalakas dito, patataasin din ng Cybersecurity Act ang cybersecurity resilience ng bansa.
Isa pang panukalang batas na inirekomendang paspasan ang Senate Bill 2039 o Anti-Money Mule and Financial Fraud Act na layong ipagbawal ang money mules at iba pang fraudulent acts sa bank accounts, e-wallets, at iba pang financial accounts. Tumutukoy ang money mules sa mga taong ginagamit ng mga kriminal upang magtago ng pera na galing sa ilegal na gawain. Kadalasan silang nakakakuha ng komisyon dito.
Bahagi ang Anti-Money Mule and Financial Fraud Act sa pagsisikap ng pamahalaan na gawing ligtas ang online services para sa publiko.
Samantala, layon naman ng Senate Bill Nos. 2150 and 2385 o ng Online Site Blocking Act na protektahan ang creative industry at consumers laban sa online content piracy sa pamamagitan ng pag-block sa websites na nagpapakita ng pirated content.
Ayon sa ulat ng DICT, ikaapat ang Pilipinas sa buong mundo sa may pinakamaraming kaso ng cyberattacks na may 3,000 cyber incidents mula 2020 hanggang 2022.
Bilang pagsisikap na mapaigting ang cybersecurity sa bansa, nangako si Pangulong Marcos na pagtatrabahuan niya ang mga nabanggit na panukalang batas, para na rin mapanatiling ligtas ang Filipino netizens.