Pabata nang pabata ang workforce ng Pilipinas. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), as of 2022, 26% ng labor force ng Pilipinas ay millennials o mga ipinanganak mula 1981 hanggang 1996. 18% naman dito ay Generation Z o mga ipinanganak mula 1997 hanggang 2012.
Lumaki ang millennials kasabay ng pag-usbong ng digital landscape, samantalang itunuturing namang digitally-native ang mga Gen Z. Dahil dito, masasabing natural sa makabagong henerasyon ang pagiging digitally at technologically literate.
Para kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., big advantage ito para maging technological hub ang bansa.
Tumutukoy ang technological hub sa kumunidad na nagsusulong ng innovation para sa technology-based companies. Naka-focus ang tech hub sa businesses at start-ups na may kinalaman sa teknolohiya, pati na rin ang suporta sa infrastructure at talent pool.
Hindi lang si Pangulong Marcos ang naniniwala na may potensyal ang bansa na maging tech hub. Kinilala rin ng Israel Chamber of Commerce of the Philippines na malayo na ang narating ng bansa sa pag-adapt ng technological advancements, dahil na rin sa pagiging tech-savvy ng makabagong henerasyon.
Bukod dito, sinabi rin ng executive officer mula sa isang Japanese IT firm na may kakayahan ang bansa na maging sunod na tech hub ng Southeast Asia. Ayon kay Fujikura Shigemoto ng Sansan, may oportunidad ang Pilipinas na makaakit ng mas maraming foreign companies na magtayo ng tech hubs sa bansa, lalo na sa larangan ng software development at engineering.
Dagdag pa ni Shigemoto, kinikilala ang Pilipinas dahil sa high-level IT education at mga mahuhusay na engineers. Sa kabila nito, idiniin niya na kailangan pa ring pataasin ang quality ng edukasyon at training sa bansa sa pamamagitan ng investment sa educational infrastructure.
Para naman kay Pangulong Marcos, may talento na ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, sa paggamit ng teknolohiya. Kailangan lang ng upskilling upang maging forefront ang bansa sa teknolohiya, partikular na sa paggamit ng artificial intelligence (AI).
Kaugnay nito, matatandaang nilagdaan niya ang Republic Act No. 11962 o Trabaho Para sa Bayan Act noong September 27, 2023. Sa batas na ito, isusulong ang paggamit ng digital technologies, partikular na sa micro-, small-, and medium-sized enterprises. Nakatuon din ito sa upskilling at reskilling ng mga mangagawang Pilipino upang mapalakas ang kanilang employability at competitiveness.
Sa pag-iinvest sa edukasyon, patuloy na training at upskilling, paglikha ng friendly and useful business ecosystem lalo na para sa start-ups, at pagpapahusay sa foreign relations, malaki ang posibilidad na maging technological hub ang Pilipinas, na siyang target ni Pangulong Marcos para sa bansa.