Patuloy na mamumuhunan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa social protection programs at sa mga proyektong pang-imprastraktura na makalilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ay upang bumaba pa sa 9% ang poverty rate sa bansa pagsapit ng 2028.
Sa kanyang video message, ibinahagi ni Pangulong Marcos na bumaba ang antas ng kahirapan sa bansa sa 15.5% noong 2023. Nangangahulugan itong 2.5 milyong Pilipino ang naiahon na sa kahirapan at 10.9% lamang ang nananatiling mahirap.
Gayunman, binigyang-diin ng pangulo na balewala ang datos na ito kung walang pagbabago sa buhay ng mga Pilipino.
Dahil dito, tiniyak ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pamumuhunan sa mga mahahalagang programa, kabilang na ang pangkalusugan at edukasyon, upang mapabuti ang buhay ng mahigit 8 milyon pang Pilipino.