Bigong makadalo si Pangulong Bongbong Marcos sa press conference sa Brussels, Belgium.
Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na sinipon at inubo si Pangulong Marcos dahil sa lamig ng panahon.
Nakatakda sana kahapon ang “kapihan” ng pangulo kasama ang mga mamamahayag bilang bahagi ng kanyang aktibidad para sa Association of Southeast Asian Nations-European Union Commemorative Summit.
Sa halip ay si Romualdez ang nagbigay ng pahayag sa media at tiniyak na kasalukuyang nakarerekober na si Pangulong Marcos.
Nanibago lamang anya si PBBM sa malamig na klima sa belgium lalo’t bumagsak sa negative 4 degrees celsius ang temperatura sa Brussels, kahapon.
Samantala, inihayag ng mambabatas na ipinanawagan niya sa punong ehekutibo na sertipikahan bilang urgent ang maharlika investment fund bill na tinatalakay sa plenaryo ng Kamara.