Kasabay ng ika-sampung taon ng pag-landfall ng super typhoon Yolanda sa Pilipinas noong November 8, 2013, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad sa Handa Pilipinas Visayas Leg. Dito, tiniyak ng Pangulo ang commitment ng administrasyon niyang isulong ang disaster resilience ng Pilipinas.
For 13 consecutive years, nangunguna ang Pilipinas bilang most at-risk country ayon sa World Risk Index. Kabilang dito ang latest 2023 World Risk Index na inilabas kamakailan lang.
Bahagi ang Handa Pilipinas: Innovations in Disaster Risk Reduction and Management Exposition sa pagsisikap ng administrasyong Marcos na ipakita ang iba’t ibang disaster risk reduction and management initiatives ng pamahalaan. Isa itong taunang event na pinangangasiwaan ng Department of Science and Technology (DOST) na may layong paigtingin ang public awareness.
Ngayong 2023, isinagawa ang Luzon Leg ng nasabing event sa World Trade Center, Pasay City mula July 27 to 29 kasabay ng selebrasyon ng National Resilience Month. Nitong November 8 naman, inilunsad ang Visayas Leg na pinangunahan mismo ni Pangulong Marcos Jr. sa Tacloban City.
Tampok sa three-day event pagtalakay ng mga eksperto at resource speakers ang disaster risk reduction and management technologies na dinevelop ng DOST.
Kabilang sa mga teknolohiyang itinampok sa event ang mga sumusunod:
- mobile command post
- triaging trailer tent
- collapsible toilet bowl
- upgraded emergency disinfection system
- fire blanket
- unsinkable portaboat
- water ambulance
Samantala, pinangunahan naman ng PAGASA ang pag-enhance sa early warning system (EWS) capability ng pamahalaan para sa detection at monitoring ng paparating ng bagyo. Naglagay ang PAGASA ng Doppler radar systems sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa tulong ng 1.2 billion pesos grant mula sa Japan. Nakapagbibigay ng mas accurate na monitoring ng typhoon conditions, gaya ng rainfall levels at wind velocity, ang nasabing teknolohiya. Target na makapagpatayo pa ng limang Doppler radar stations sa bansa bago matapos ang taon. Pinagtibay naman ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na committed ang administrasyong Marcos sa pagpapahusay ng early warning technologies.
Para kay Pangulong Marcos Jr., crucial sa pagtugon ng mga hamon sa disaster risk reduction ang science and innovation. Kaya naman nakiusap siya sa mga Pilipino na i-maximize ang paggamit ng makabagong teknolohiya. Hinikayat din niya ang mga ahensya ng gobyerno na isama palagi sa anumang programa at desisyon ang aspeto ng climate change dahil hindi na ito maiiwasan.
Nakatutulong sa disaster risk reduction and management ng Pilipinas ang patuloy na pagsisikap ng administrasyong Marcos sa pag-adapt ng modernisasyon dahil mababawasan nito ang pinsala.
Sa kabila nito, binigyang-diin pa rin ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakaisa. Aniya, layon ng kampanya niyang Bagong Pilipinas na tiyakin na handa ang lahat ng Pilipino sa pagharap ng hamon at pagtulong sa kapwa, hindi lamang sa panahon ng sakuna, kundi sa pang-araw araw na buhay.