Natapos man ang pagiging kalihim niya sa Department of Agriculture (DA), tutok pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa agrikultura.
Sa ginanap na 35th National Rice Research for Development (R4D) Conference noong November 29, 2023, idiniin ni Pangulong Marcos ang pagsuporta sa paggamit ng science-based approach para sa modernization ng agriculture sector.
Sa isang mensahe, idiniin ni Pangulong Marcos ang pangako ng administrasyon niyang gawing prayoridad ang research and development sa agrikultura upang matiyak ang pagkakaroon ng sustainable value chain sa sektor, partikular na sa bigas.
Ayon sa Pangulo, gagamitin ang science-based strategies mula sa Strategic Plan 2023-2028 of the Philippine Rice Research Institute (PhilRice). Nakatutok ito sa pagbibigay ng edukasyon sa mga magsasaka sa paggamit ng modernong teknolohiya.
Dagdag pa niya, patuloy ring susuportahan ng pamahalaan ang mga proyekto ng PhilRice sa agricultural biotechnology upang palakasin ang produksyon ng bigas. Tumutukoy ang agricultural biotechnology o agritech sa paggamit ng scientific tools and techniques, kabilang na ang genetic engineering at selective breeding, para i-modify ang living organisms, gaya na lang ng pananim. Ayon sa US National Institute of Food and Agriculture, malaki ang tulong nito sa mga magsasaka dahil mas nakapagbibigay ito ng higher crop productivity. Sa pag-utilize ng agritech, mababawasan ang gastos sa fertilizers at pesticides, na siyang makapagbababa sa presyo ng mga pagkain.
Bukod sa rice farming, tututukan din sa modernization ang sectors ng livestock, poultry, fisheries, at high value crops para masiguro ang pagiging available at affordable ng pagkain para sa mga Pilipino.
Samantala, siniguro naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na minamadali na nila ang pagpapalawak ng irrigation, pagpapatayo ng mas maraming drying facilities, at iba pang imprastraktura na magpapalakas sa ani ng palay.
Idiniin din niya ang target ng ahensya na bawasan ang rice importation upang makamit ang food security and sufficiency. Matatandaang alinsunod ito sa marching order ni Pangulong Marcos na maging pro-production.
Sa maiging paggamit ng siyensya at makabagong teknolohiya sa sektor ng agrikultura, matutugunan ang isyu sa food supply at pricing. Patuloy itong isusulong ni Pangulong Marcos upang magkaroon ng sapat at abot-kayang pagkain ang bawat Pilipino.