Positibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na upgraded at bagong Manila airport ang sasalubong sa mga Pilipinong babalik sa bansa.
Ito ang tiniyak ng pangulo sa kanyang naging talumpati nang makipagkita siya sa Filipino community sa Brunei sa unang araw ng kanyang state visit sa bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, mayroong P170.6 billion na pondo ang administrasyon na gagamitin para sa rehabilitation project ng Manila International Airport.
Aniya, pahuhusayin ng proyektong ito ang passenger terminals at airside facilities. Padadaliin din ang paglilipat mula sa isang terminal hanggang sa kabilang terminal.
Bagamat inaasahang tatagal ng 15 years ang implementasyon ng rehabilitasyon, mapapansin ang initial improvements sa paliparan sa susunod na taon dahil mananatiling prayoridad ng pangulo ang infrastructure projects.
Para kay Pangulong Marcos, napapanahon nang simulan ang rehabilitasyon ng paliparan sa Manila na matagal nang napabayaan ng mga nakaraang administrasyon.