Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagprotekta sa remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs). Ito ay sa kabila ng pagkakasama ng Pilipinas sa “grey list” ng global money laundering and terrorist financing watchdog na Financial Action Task Force (FATF) simula June 2021.
Tumutukoy ang grey list sa jurisdictions na may increased monitoring. Ang mga bansang kabilang dito ay may commitment na tugunan ang kakulangan sa pagsugpo ng money laundering, proliferation financing, at terrorist financing.
Maraming dahilan kung bakit napasama ang Pilipinas sa grey list, kabilang na ang risk ng money laundering mula sa casino junkets at sa kawalan ng prosecution sa terrorism funding cases.
Ayon sa dating Executive Director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na si Atty. Mel Georgie Racela, itinuturing ang Pilipinas at ang mga nakatira rito na threat sa international financial system dahil sa grey list.
Kung tuluyan namang makasama sa black list ang bansa, lubos na maaapektuhan ang OFWs. Mahihirapan silang makapagpadala ng pera para sa kanilang pamilya dahil posibleng mas tumaas ang service fee. Mas marami ring dokumento ang kailangang ipasa bago maaprubahan ang remittance.
Para hindi na lumala pa ang sitwasyon, target ni Pangulong Marcos na matanggal na sa grey list ang Pilipinas pagsapit ng October 2024. Upang maisakatuparan ito, inatasan niya ang AMLC na bilisan ang pagpapatupad ng action plans kontra money laundering at counter-terrorist financing. Inutusan din niya ang konseho na magsampa ng kaso laban sa violators.
Ayon kay Atty. Matthew David, kasalukuyang Executive Director ng AMLC, naniniwala ang lahat na nasa right track na sila sa pagtugon sa strategic deficiencies. Nagpahayag na rin aniya ng commitment ang concerned government agencies na magpapatupad ng mga hakbang upang palakasin ang pakikipaglaban ng bansa kontra money laundering.
Para kay Pangulong Marcos, OFWs ang tunay na halimbawa ng makabagong manggagawang Pilipino na maipagmamalaki natin sa buong mundo. Nararapat lang ang aksyon ng pamahalaan na protektahan sila, pati na rin ang perang pinaghihirapan nila para sa kanilang pamilya sa Pilipinas.