Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng administrasyon ang kanilang anti-communist insurgency campaign upang mapaigting ang internal security sa bansa.
Sa isang video message na inilabas ng Pangulo sa kanyang social media page, iniulat niyang wala nang aktibong New People’s Army (NPA) guerrilla front sa bansa as of December 2023. Dahil dito, maaari na aniyang masabing matagumpay ang pamahalaan sa laban nito kontra sa terorismo.
Sa isang press briefing, sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na sa 55 years of existence ng NPA, nasa “weakest” version na ito.
Ayon kay Pangulong Marcos, umabot sa 1,399 members ng communist at local terrorist groups ang na-neutralize ng pamahalaan noong 2023. Higit sa 1,750 firearms naman ang nakuha ng administrasyon sa pamamagitan ng capture, confiscation, recovery, at surrender.
Kaugnay nito, matatandaang noong November 24, 2023, inanunsyo ng Malacañang na naglabas si Pangulong Marcos ng ilang proklamasyon na magbibigay ng amnesty sa mga rebeldeng susuko sa pamahalaan.
Tumutukoy ang amnesty sa pagbibigay ng official pardon sa mga nahatulan ng political offenses. Sa ilalim ng Article VII, Section 19 ng 1987 Constitution, mayroong kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na magbigay ng amnestiya kung karamihan sa mga miyembro ng Kongreso ang sang-ayon dito.
Ibinibigay ang amnesty sa mga sumukong miyembro ng mga rebeldeng grupo upang mahikayat silang magbalik-loob sa pamahalaan at sumunod sa batas. Bahagi ito ng comprehensive peace initiatives ng administrasyong Marcos. Hindi naman sakop ng amnestiya ang paglabag sa rape, massacre, illegal drugs, war crimes, at iba pang karumal-dumal na paglabag sa karapatang-pantao.
Matatandaang nagkasundo rin ang Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na magkaroon ng “principled and peaceful resolution of the armed conflict.” Panawagan ni Pangulong Marcos sa mga Pilipino, suportahan ang pagpapatuloy ng peace process sa NDFP.
Nakapagbigay rin ang administrasyong Marcos ng kabuuang P91.47 million worth of financial assistance sa mga sumukong rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) package ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Sa year-end report ng DILG, lumabas na higit sa 1,119 former rebels mula sa NPA at Militia ng Bayan (MB) ang nakatanggap ng financial assistance mula sa pamahalaan as of November 2023.
Upang mapaigting naman ang peace-building efforts ng local government units (LGUs), ipinagpatuloy ng DILG ang pagpapatupad sa Communicating for Perpetual End for Extreme Violence and Forming Alliance Towards Positive Peace and Enriched Communities (C4PEACE) Program.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagbibigay-diin ang tagumpay ng pamahalaan sa commitment nitong makapagbigay ng peace at stability sa bansa. Pangako niya, patuloy lang ang anti-communist insurgency campaign ng pamahalaan, katulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of National Defense (DND), at iba pang government intelligence agencies.