Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mailigtas ang 17 Filipino seafarers na kabilang sa mga nabihag ng Houthi rebels sa Yemen.
Ayon kay Pangulong Marcos, nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa counterparts nito sa Iran, Oman, Qatar, at Saudi Arabia upang humingi ng updates sa nagaganap na hostage-taking.
Siniguro rin ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng mga Pilipinong hostage ang suporta at tulong mula sa pamahalaan.
Matatandaang nakuha ng Houthi rebels ang kontrol sa barkong Galaxy Leader kung saan binihag nito ang 25 crewmembers, kabilang na ang 17 na Pilipino.
Itinuturing na paghihiganti ang hostage-taking sa opensiba ng Israel sa Gaza dahil sa koneksyon ng naturang cargo vessel sa negosyanteng Israeli na si Abraham “Rami” Ungar.