“Nakakadurog po ng puso na makita na hanggang ngayon, ang pinakamahirap sa ating bansa ay ang mga magsasaka. Kayo ang nagpapakain sa amin; hindi ninyo mapakain ang pamilya ninyo. ‘Yung nagpapakain, ‘yung nagbubuhay sa buong Pilipinas sa lahat ng mga Pilipino.”
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na distribusyon ng land electronic titles (e-titles) para sa mahigit 2,500 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Davao City noong February 7.
Ayon kay Pangulong Marcos, nalulungkot siya na nananatiling mahirap ang mga magsasaka. May nakuha man silang tulong mula sa pamahalaan, napakaliit pa rin nito. Ito ang nais baguhin ng Pangulo na nangakong pahuhusayin ang kalidad ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka.
Gumagamit ang pamahalaan ng whole-of-government approach upang matiyak na hindi na magiging pinakamahirap na trabaho ang pagsasaka, ayon kay Pangulong Marcos. Ibig sabihin nito, hindi lamang Department of Agrarian Reform (DAR) ang magsisikap para sa pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo, kundi ang iba’t ibang ahensya at pribadong sektor.
Dagdag pa ng Pangulo, una pa lang ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga ibubuhos na tulong ng pamahalaan upang makatulong sa pagpapaangat ng buhay ng mga magsasaka. Aniya, asahang patuloy silang susuportahan ng pamahalaan at titiyaking mayroon silang modernong kaalaman sa agrikultura.
Kamakailan nga lang, namahagi si Pangulong Marcos, kasama si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ng financial assistance, hauling truck, rice seeds, fertilizer discount vouchers, at iba pang mga tulong sa higit 12,000 rice farmers sa Candaba, Pampanga.
Bukod dito, matatandaang nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11953 o New Agrarian Emancipation Act noong July 7, 2023 na napakinabangan ng mahigit 600,000 na mga magsasaka na nakalaya mula sa P57.65 billion na pagkakabaon sa utang.
Iginiit ni Pangulong Marcos, hindi na siya papayag na magsasaka ang manatiling pinakamahirap na hanapbuhay sa bansa. Saad ng Pangulo, “Kailangan ng tulong ng ating mga magsasaka—ang lahat ng tulong na maibigay ng pamahalaan, at ang pribadong sektor…lahat ng tulong na maibibigay ay ibibigay namin para naman masabi nating maganda ang magiging hanapbuhay ng ating mga magsasaka.”