Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot ang sinumang tumulong kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag ni Pangulong Marcos, binigyang-diin niyang nagpapababa sa tiwala ng publiko at nagpapakita ng katiwaliang nagpapahina sa sistema ng hustisya ang pagkakapuslit ng dismissed mayor palabas ng bansa.
Pangako ng pangulo, ilalantad ng pamahalaan ang mga nasa likod ng pagtakas ni Guo. Pagsisiguro niya, sususpindihin at mananagot sa batas ang sinumang responsable rito.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, walang puwang sa pamahalaan ang sinumang inuuna ang kanilang pansariling interes, sa halip na paglilingkod sa sambayanang Pilipino nang may dangal, integridad, at katarungan.