Tinutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang nilalaman ng Senate Bill no. 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Act of 2023.
Sinabi ni PBBM, na ang ilang bahagi ng panukalang batas ay hindi naaangkop o katanggap-tanggap at labis na nakakabahala.
Inamin ng Pangulo na labis niyang ikinagulat ang mga elementong nabasa niya sa bill kung saan isinusulong na turuan ng maseselang bagay kahit ang mga apat na taong gulang na bata.
Binatikos din ng Pangulo ang kawalan ng pagsasaalang-alang sa karapatan ng mga magulang na magdesisyon kung kailan at paano dapat turuan ang kanilang mga anak ukol sa sekswalidad.
Dahil dito, nagbanta ang pangulo na ive-veto niya ang nabanggit na panukalang batas kung ito ay maipapasa sa kasalukuyang porma. – mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)