Kumikilos na ang mga ahensya ng pamahalaan upang agad maasistehan at matulungan ang mga naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol na tumama sa Mindanao.
Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang malakas na pagyanig sa Surigao del Sur at iba pang lugar sa Mindanao.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na aktibong kumikilos ang Department of Social Welfare and Development at Department of Interior and Local Government sa tulong ng local government units upang agad na maibigay ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.
Dagdag pa ng pangulo, inaalam na ng Department of Public Works and Highways ang lawak ng pinsala sa Caraga region sa tulong ng Office of Civil Defense at NDRRMC.
Mahigpit ding nakabantay ang PHIVOLCS sa aftershocks ng malakas na lindol upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na pagyanig.