Inaasahang maglalabas ng paunang resulta ng imbestigasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) ngayong weekend hinggil sa di umano’y pagpapalubog ng Chinese vessel sa barkong pangisda ng mga Pilipino sa Recto Bank.
Ayon kay Commander Armand Balilo, spokesman ng PCG, agad nilang iuulat sa publiko ang makukuha nilang opisyal na salaysay mula sa mga nasangkot na mangingisda na anumang oras mula ngayon ay darating na sa Occidental Mindoro mula sa Recto Bank.
Sinabi ni Balilo na mas makakabuti sana kung ma-inspeksyon nila ang mga sangkot na barko ng China at ng Pilipinas.
Aminado si Balilo na mahihirapan silang matukoy kung anong barko ng China ang sangkot.
Gayunman, maaari anyang lumabas ito sa testimonya ng mga mangingisda at susubukan rin nilang balikan ang tala ng monitoring team ng mga barkong dumadaraan sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Sa ilalim rin ng panuntunan sa karagatan, kinakailangang may markings tulad ng bandila ang lahat ng mga naglalayag sa karagatan.
Sinasabing posibleng hindi barkong pangisda ng China ang nakabangga sa barkong pangisda ng Pilipinas dahil bawal mangisda sa EEZ ng isang bansa ang mga dayuhan.