Naharang ng Philippine Coast Guard ang tangkang pagpuslit ng iligal na droga sa isang isolation hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ayon sa coastguard, napigilan nila sa magkahiwalay na oras ang delivery ng dalawang riders ng shabu sa dalawang returning ofw na nasa isolation sa isang hotel.
Batay sa report ng PCG Task Group Bantay Bayanihan, alas-4 ng hapon ng dumating ang unang rider na may dalang package kung saan sa online declaration ng sender ay may lamang damit at cellphone.
Subalit nang inspeksyunin ng mga tauhan ng PCG at Bureau of Quarantine mayroong nakitang plastik na may lamang hinihinalang shabu sa likod ng cellphone cover kaya’t dinala ang rider at nasabing package sa Taguig police station kung saan napatunayang walang alam ang rider sa laman ng kinuhang package.
Makalipas ang isat kalahating oras, isa pang rider ang dumating sa isolation hotel at nagpakilalang pinsan ng isa pang ROF na paghahatiran ng damit na laman ng dala niyang package na nang inspeksyunin ay nakita rin sa plastic ang hinihinalang shabu.
Nakatakdang kasuhan ng mga otoridad ang dalawang OFW na naka quarantine at isang delivery rider na pinsan ng isa sa mga ito dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.