Patay matapos magbigti ang isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa loob ng Pcg compound sa Gate 2 Parola, sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktimang nasawi na si CG Apprentice Seaman o ASN Senen Arquiza Jr., 29-anyos na natagpuang wala nang buhay ng kanyang kasamahan na si CG ASN James Daryl Acaylar sa hagdanan ng PCG station.
Ayon kay Acaylar, huli niyang nakitang buhay ang biktima habang ka-videocall ang kasintahan kung saan, nagkaroon umano ng pagtatalo.
Matapos mag-usap ng dalawa ay tahimik na lamang na umupo sa hagdanan si Arquiza pero makalipas ang ilang oras ay nakatanggap ng text message si Acaylar mula sa kasintahan ng biktima at nakikiusap na puntahan ang kaniyang nobyo dahil nag-aalala umano ito.
Nang puntahan ni Acaylar ang biktima, dito niya nadiskubre si Arquiza na nakabigti na ang leeg sa beam ng kisame, gamit ang isang nylon cord.
Sinubakan pa umanong humingi ng tulong ni Acaylar sa PCG Medical Staff para i-revive ang biktima pero wala na umanong response si Arquiza.
Inaalam na ng mga otoridad ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima. - sa panulat ni Angelica Doctolero