Nasawi ang isang Philippine Coast Guard (PCG) personnel habang sugatan naman ang anim na iba pang kasamahan nito makaraang maaksidente ang sinasakyan nilang van sa Batangas.
Batay sa report na inilabas ng PCG, sumabog ang gulong ng naturang van habang binabagtas nito ang Star Tollway sa Ibaan sa Batangas, kahapon, ika-26 ng Mayo.
Dagdag pa ng PCG, galing Sta. Clara sa Batangas ang mga tauhan nito na papunta sana sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), para tumulong sa programa ng pamahalaan sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kasunod nito, idineklarang dead-on-arrival sa isang pagamutan sa Batangas si Coast Guard Apprentice Seaman (ASN) Cenen Epetito.
Si Coast Guard ASN Adrian Añonuevo Naman, ay nagtamo ng minor hematoma at patuloy na ginagamot sa intensive care unit (ICU) ng ospital.
Kasama rin sa mga nasugatan, ay sina:
- Seamen Second Class Pacifico Casipi at Erdie Rojales,
- Coast Guard ASN Rouin Alvarez at John Mojica,
- Candidate Coast Guardman Mclester Saguid.
Samantala, dahil sa aksidenteng nagresulta sa pagkalagas ng isang tauhan ng PCG, tiniyak nito na nakahandang magbigay ng tulong ang pamunuan sa naiwang pamilya ng magiting na tauhan nito na tumulong sa laban ng bansa kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, habang ang mga sugatan naman ay tutulungan sa kanilang gamutan hanggang sila’y gumaling at makabalik sa serbisyo. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)