Inabsuwelto ng Court of Appeals ang isang senior official ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kasong Serious Dishonesty habang na-downgrade naman ang kaso laban sa pitong iba pa na napatunayan ng Ombudsman na nagkaroon ng partisipasyon sa umano’y pagtanggap ng isang non-specified brand ng equipment noong 2008.
Batay sa desisyon ng CA Fifth Division, ibinasura nito ang kaso laban kay Capt. Lyndon Cendreda habang ibinaba naman sa ‘less serious dishonesty’ ang kaso laban kina Commodore Teotimo Borja Jr., Lt. Junior Grade Wynchester Florentino, Adrian Vargas at Benedicto Bartolome; at PCG officers Rex Villanueva, Mac Roger Lerion at Sheryl Malapit-Cuebas.
Una nang sinuspinde ng anim na buwan ang mga respondents, maliban kay Lerion na pinatawan ng siyam na buwang suspensiyon.
Matatandaang nadiskubre ng Ombudsman na pinayagan umano ng mga opisyal ang pagbili ng PCG ng mga ‘breathing apparatus’ para sa emergency response ngunit sa halip na “Survivair Panther” ay “Huayan” brand ang nai-deliver sa ahensya.