Mananatiling vigilant at patuloy na magpapapatrulya ang Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
Ito ang tiniyak ni PCG Spokesman for WPS Commodore Jay Tarriela, kasunod ng napaulat na nawawala ang mga inilagay nilang boya sa Balagtas at Julian Felipe Reefs na kalauna’y nadiskubre na naroon pa rin sa mga dati nitong lokasyon.
Iginiit ng PCG spokesman na may mga nakakabit namang Global Positioning Sytem (GPS) locator sa mga boya kaya’t madali nilang matutukoy kung may tumangay o bumunot sa mga ito o kaya’y napadpad ng alon sa ibang lugar.
Sakali aniyang magkaroon ng ganitong insidente ay agad din naman nilang ipaparating sa mga kinauukulang ahensya tulad ng National Task Force for the West Philippine Sea at Department of Foreign Affairs.
Muli ring binigyang diin ni Spokesman Tarriela na handang ipagtanggol ng pcg ang mga teritoryo ng pilipinas at sisiguraduhin aniya nilang maidodokumento ang kahit anong pangyayari sa rehiyon.