Dapat na isulong ng gobyerno ang pagpapalakas ng Presidential Commission on Good Government o PCGG.
Ito ayon kay Senador Bam Aquino ay kung seryoso talaga ang pamahalaan sa paglaban sa katiwalian.
Sinabi ni Aquino na sa halip na buwagin mas magandang palakasin pa ang PCGG dahil marami pang pera at bank accounts ang hindi pa naibabalik sa mga Pilipino.
Malaki aniya ang maitutulong sa taumbayan ng pera na hindi pa nababawi mula sa mga Marcos.
Inihayag naman ni Senador Antonio Trillanes IV na nais lamang ni Solicitor General Jose Calida na magkaroon ng mas malaking poder o kapangyarihan kaya’t nais nitong maibigay na lang sa kaniya ang tungkulin.
Binigyang diin naman ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon na mahihirapan nang habulin ang mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos kapag binuwag ang PCGG kaya’t tinututulan niya ang hakbanging ito.
Sa 30 taon ng operasyon ng PCGG nabawi nito ang 3. 6 billion dollars o 170 billion pesos mula sa tinatayang 10 billion dollars na nakaw na yaman ng dating first family.
—-