Binalaan ng Presidential Communications Office (PCO) ang publiko kaugnay sa kumakalat na video content kung saan nagmistulang inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na lumaban sa China.
Sa isang pahayag, nilinaw ng PCO na hindi kailanman nagkaroon ng naturang direktiba si Pangulong Marcos.
Pagbibigay-diin ng tanggapan, “deepfake” at manipulado ang audio na nagawa sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI).
Nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Information and Communications Technology (DICT), National Security Council (NSC), at National Cybersecurity Inter-Agency Committee (NCIAC) upang aksyunan ang pagkalat at malisyosong paggamit ng video at audio deepfakes.
Kasabay nito, nanawagan ang PCO sa publiko na maging responsable at mapagmatyag sa pagpapakalat ng mga content sa social media.