Nag-resign na bilang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) si Mocha Uson.
Ginawa ni Uson ang anunsyo sa kanyang pagharap sa budget hearing ng ahensya sa Senado ngayong umaga.
Ayon kay Uson matagal na niyang pinag-iisipan ang pagbibitiw sa puwesto dahil sa kabi-kabilang batikos na kanyang tinatanggap.
Pero sinabi ni Uson na ang talagang nagtulak sa kanya upang magbitiw ay ang umano’y panggigipit ng ilang mambabatas sa budget ng PCOO at ang aniya’y paggamit ng mga posisyon nito para takutin ang mga opisyal ng mga ahensya na hindi sumasang-ayon sa kanilang plano.
“Ako na ang magsasakripisyo para maipasa na ang budget ng PCOO. Ako po ay nag-desisyon na mag-resign na po.” Ani Uson
Giit ni Uson hindi siya nagbitiw sa puwesto dahil sa takot sa kanyang mga kritiko kundi dahil nais lamang niyang lumaban ng patas para sa mga walang boses sa lipunan.
Sinabi pa ni Uson na ngayong wala na siya sa gobyerno at isa nang ordinaryong Pilipino ay mas handa na siyang harapin ang mga nag-aakusa sa kanya.
“Basta ako malaya na ako uling makipaglaban.” Dagdag ni Uson
Nagpasalamat din si Uson kay Pangulong Duterte sa pagkakataon aniyang ibinigay sa kanya upang magsilbi sa bayan. —AR
(May ulat mula kay Cely Bueno)