Kinastigo ng Makabayan Bloc sa Kamara De Representantes si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Usec. Lorraine Badoy.
Ito’y kasunod ng umano’y red tagging ni Badoy sa mga progresibong mambabatas na kasapi o ginagawang front umano ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Sa isinagawang deliberasyon para sa mahigit isa’t kalahating bilyong pisong panukalang budget para sa PCOO sa susunod na taon, sinabi ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na paano nakakuha ng impormasyon si Badoy gayong wala naman itong mailatag na ebidensya na susuporta sa kaniyang mga paratang.
Ayon naman kay Bayanmuna Partylist Rep. Ferdinand Gaite, tila pine-personal umano ni Badoy ang hanay ng mga progresibong grupo lalo’t ito aniya ang numero unong bumabatikos sa mga maling ginagawa ng administrasyon.
Depensa naman ni Bataan Rep. Joet Garcia na siyang sponsor ng budget para sa PCOO, ang lahat ng mga nakukuhang impormasyon ng gobyerno ay batay na rin sa ulat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF – ELCAC) at testimoniya ng mismong mga dating rebelde na nagbalik loob na.