Hindi na kinumpronta ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at ng ibang senador ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa budget deliberation ukol sa mga inaakalang trolls.
Ito ay dahil tinanggap na ni Drilon at mga kapwa senador ang paniniyak nina PCOO Secretary Martin Andanar at PCOO Undersecretary Kris Ablan na hindi troll ang 1,479 na contract of service workers ng kanilan tanggapan.
Una nang inasahan ang paggisa ng mga senador sa PCOO sa budget deliberations dahil sa hinala ni Drilon na trolls o taga-banat sa social media ang halos 1,500 na contractual workers nito.
Pero hindi na nagtanong si Drilon at ipinasabi na lang na pinanghahawakan niya ang garantiya nina Andanar at Ablan.
Nakuntento na rin ang Senador dahil pumayag sina Andanar na tapyasin sa kanilang 2022 Budget at ilipat sa COVID-19 response ang 200 milyong piso na binalak gamitin ng PCOO sa pagpapatayo ng isang media hub sa Mandaue, Cebu na iginit ni Drilon na hindi naman urgent.
1.91 billion pesos ang panukalang budget ng PCOO at ng walong attached agencies nito. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)