Siniguro ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC na babantayan nila ang paggamit ng PCOS machines sa 2016 elections.
Ayon kay VACC Founding Chairman Dante Jimenez, hindi maiiwasang magamit sa pandaraya ang mga PCOS machines lalo’t marami na aniyang mga alegasyon ng dayaan kahit pa automated na ang botohan.
Kasabay nito, umapela si Jimenez sa Commission on Elections (COMELEC) na ibalik ang apat na security features ng mga voting machines na kinabibilangan ng source code, ultra violet detectors, voters’ verification paper audit trail at digital signatures.
Nagbabala pa si Jimenez na kung hindi ibabalik ng COMELEC ang mga naturang security features, mapipilitan aniya silang mag-ingay araw-araw at idulog sa Korte Suprema ang usapin.
By Meann Tanbio