Ipoproseso muna sa mga government laboratory ang PCR specimen ng mga dumarating na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Ninoy Aquino International Ariport (NAIA).
Ayon ito sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa gitna na rin ng usapin ng hindi pagbabayad ng PhilHealth sa Philippine Red Cross (PRC) sa pagproseso nito sa PCR testing ng mga umuuwing Pinoy.
Sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na inatasan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga government laboratory na iproseso ang PCR specimen ng mga OFW.
Kasabay nito, nanawagan ang OWWA sa returning OFWs na magparehistro sa quarantinecertificate.com ng Bureau of Quarantine na pansamantalang gagamitin para sa pagre-release ng resulta ng PCR test.
Humingi ng pang-unawa ang OWWA sa mga umuuwing Pinoy.
Tiniyak din ng OWWA na patuloy na babantayan at ibibigay ang pangangailangan ng mga Pinoy habang nasa kanilang hotel quarantine facilities at naghihintay ng resulta.