Hindi na kailangan pang hintayin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board director Sandra Cam na tanggalin siya sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung hindi na talaga matagalan ni Cam ang umano’y matinding kurapsyon sa PCSO, maaari naman itong kusang magbitiw sa pwesto.
Dagdag ni Panelo, kanila na ring hinimok si Cam na gawing pormal ang kanyang reklamo at ihain sa Presidential Anti-Corruption Commision (PACC) na direktang kasuhan ang mga opisyal ng PCSO na anito’y sangkot sa katiwalian.
Binigyang diin pa ni Panelo, pakikinggan ni Pangulong Duterte ang hinaing ni Cam at wala itong kakampihan sa usapin ng kurapsyon kahit pa mga kaalyado niya ang masasangkot dito.
Magugunitang noong Huwebes humarap sa isang press conference si Cam kung saan kanyang hiniling kay Pangulong Duterte na alisin na siya sa puwesto dahil hindi niya na matanggap ang kurapsyon sa PCSO.