Handa na ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pamamahagi ng relief goods para sa mga maaapektuhan ng bagyong Betty.
Kasunod na rin ito ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang lahat ng ahensya sa gobyerno ay dapat na maghanda para sa pagtulong sa mga lugar na maaapektuhan ng typhoon.
Ayon kay PCSO General Manager Mel Robles, inatasan niya ang mga branch office at Small Town Lottery Authorized Agency Centers (STL-AACS) sa Northern Luzon na maghanda para sa pamamahagi ng tulong para sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.
Nauna nang naghanda ang PCSO Main Office sa Mandaluyong City ng libu-libong food packs bukod sa mga sako ng bigas at relief goods na nakaposisyon sa mga sangay nito sa Cagayan at Benguet; at STL-ACCS sa Baguio, Pangasinan, Cagayan, Ilocos Norte, La Union, Kalinga at Olongapo.
Sa pamamagitan ng kanilang medical assistance program, ang ahensya ay nagbibigay ng tulong medikal sa mga indibidwal na nasugatan o naospital sa panahon ng kalamidad.
Samantala, ang PCSO ay naglalaan ng mga pondo para sa kalamidad upang tulungan ang mga apektadong komunidad upang tulungan silang makabangon pagkatapos sa epekto ng bagyo.
Ang mga relief initiatives ng PCSO ay bilang pagtupad sa mandato nito bilang pangunahing charitable arm ng gobyerno.