Bukas ang Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board sa posibleng paggamit ng medical cannabis bilang lunas sa ilang karamdaman.
Sa pagdinig sa proposed 2023 budget ng dalawang ahensya na dinaluhan nina PDEA Director-General Wilkins Villanueva at DDB Chairman Catalino Cuy, muling iginiit ni Senador Robin Padilla ang paggamit ng medical cannabis.
Bilang tugon, nilinaw ng PDEA at DDB na hindi pa nila isinasara ang usapin sa posibleng paggamit ng marijuana bilang gamot bagay na ikinatuwa ni Padilla.
Sa panig ni Senador Ronald Dela Rosa, inihayag nitong bagaman maaari namang magamit ang medical cannabis, dapat tutukan pa rin ng PDEA ang paghuli sa mga gagamit nito sa iligal na paraan.
Matapos nito ay inaprubahan sa committee level ang proposed 2023 budget ng PDEA na P3.1 billion at DDB na P447 million.