Hindi nababahala si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa nilalaman ng report ni Vice President at dating Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) co-chair Leni Robredo hinggil sa kampanya kontra ilegal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Aquino, naniniwala siyang patungkol ang report sa mga nakitang kakulangan ng pangalawang pangulo sa pagpapatupad ng programa gayundin ang mga rekomendasyon para matugunan ang mga ito.
Sinabi ni Aquino, kabilang na rito ang kawalan ng tumpak na baseline data sa kampanya kontra ilegal na droga tulad ng bilang ng mga drug users at pushers sa bansa.
Sa kasalukuyan naman aniya ay tinutugunan na ito ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng scientific survey.
Binigyang diin pa ni Aquino na siya na rin mismo ang nagsabi sa mga kasamahan sa PDEA at ICAD na tugunan ang mga inilatag na rekomendasyon ni Robredo hinggil sa kampanya kontra ilegal na droga.
Magugunitang ipinagpaliban ni VP Robredo ang pagpapalabas ng kanyang report hinggil sa kampanya kontra ilegal na droga kahapon.
‘Yung mga nakikita niyang discoveries na sa tingin ko naman, maganda naman. In fact, no’ng December 10 nagkaroon ng fellowship ang ICAD, nando’n ako, nando’n ang mga ICAD members ngayon dito sa PDEA headquarters namin at, sinabi ko sa kanila ‘you need to make an action on the recommendations of the Vice President’,” ani Aquino. — sa panayam ng Ratsada Balita