Hinamon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ilabas ang narco-list ng mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PDEA Chief Dir. General Aaron Aquino, dapat nilang ilabas ang nasabing listahan para hindi na iboto pa ng publiko sa May elections.
Gayunman, naniniwala pa rin ang PDEA na talamak pa rin ang droga kahit may binuo ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na aagapay sana sa pagsusulong ng kampanya kontra droga sa kanilang nasasakupan.
Giit ni Aquino hindi na dapat pang binibigyan ng babala ang mga kapitan ng barangay na ayaw tumalima o bumuo ng BADAC kundi dapat ay kinakasuhan o sinususpindi agad.
Batay sa ulat, sa 42,000 barangay sa bansa, nasa 30 porsyento ang walang BADAC.
Ang BADAC sa bawat barangay ay dapat aktibo at responsable sa paggawa ng mga programa para labanan ang droga sa kanilang komunidad.