Nanindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)na tama ang kanilang ipinalabas na listahan ng mga barangay officials na sangkot sa iligal na droga.
Kasunod ito ng mga natanggap na batikos ng ahensiya na hindi dumaan sa due process at mali-mali ang ilan sa mga pangalan na kanilang isinama sa listahan.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derrick Carreon, mahigpit nilang vinalidate ang nasabing listahan kasama ang Philippine National Police, National Intelligence Coordinating Agency at ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Dagdag ni Carreon, sa katunayan aniya ay bumaba pa ang kanilang inilabas na bilang kung saan umabot ng halos 300 ang inisyal na napasama sa listahan.
Gayunman, tiniyak ni Carreon na kanilang muling sususiriin ang listahan kung nagkaroon ng mga pagkakamali sa mga napasamang pangalan.