Aminado si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na kakailanganin pa rin nila ang tulong ng Philippine National Police o PNP sa kampanya kontra iligal na droga.
Ito ay matapos i-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na lamang sa PDEA ang lahat ng operasyon at kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Aquino, kakailanganin pa rin nila ang tulong ng pulisya dahil nasa higit 1,000 lamang ang kanilang mga tauhan.
Nilinaw pa ni Aquino na hindi niya hiningi kay Pangulong Duterte na PDEA na lamang ang humawak sa mga operasyon ukol sa iligal na droga.
Wala din aniya siyang plano sa ngayon na kausapin si Pangulong Duterte tungkol dito.
PNP handang sumunod sa direktiba ng Pangulo
Nakahandang sumunod ang Philippine National Police o PNP sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na lamang sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang lahat ng anti-drug operations sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos, walang problema sa pambansang pulisya ang ginawang pagbawi ni Pangulong Duterte sa kanilang mandato sa kampanya kontra iligal droga ng pamahalaan.
Dagdag ni Carlos, tututok na lamang sila sa ngayon sa anti criminality campaign.
Nakahanda din aniya silang ipagkaloob sa PDEA ang lahat ng suporta sa mga anti-drug operation.