Mananatili pa ring lead agency ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ito ang binigyang diin ng Malacañang kasunod na rin ng muling pagbabalik ng ‘Oplan Tokhang’ ng Pambansang Pulisya, epektibo ngayong buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kanilang kokunsultahin si PDEA Director General Aaron Aquino hinggil sa naturang usapin sa kabila ng pagtitiyak ng PNP na hindi na magiging madugo ang kanilang pagbabalik sa drug war.
Magugunitang tiniyak ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na bagama’t handang-handa na sila sa muling pagbabalik ng Oplan Tokhang, mananatili namang bantay sarado ang bawat galaw ng mga pulis na sasabak sa mga ikinasang operasyon.
Subalit sinabi ni Roque na umaasa silang tatalima ang PNP sa mga inilatag na polisiya ng PDEA bilang lead agency ng drug war at tiwala silang ginagawa lamang ng pulisya ang mandato nito sa ilalim ng batas.
—-