Nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa publiko hinggil sa pagbili ng Chinese medicine na Lianhua Qingwen na ginagamit ng China na panlaban kontra COVID-19.
Ayon sa tagapagsalita ng PDEA na si Derrick Carreon, sinabi nito na ang kanilang babala ay makaraang makatanggap ng ilang reports na may ilang mga indibidwal ang nagbebenta ng natural Chinese herbal medicine sa parehong online at black market.
Paliwanag ni Carreon, ang naturang Chinese medicine ay nagtataglay ng ‘ephedra’, na isang plant-based substance na sadyang mapanganib.
Pagdidiin pa nito, hindi dapat ito binibili ng walang prescription mula sa doktor na mayroong PDEA dangerous drugs license.
Nauna rito, inaprubahan ng FDA ang paggamit sa bansa ng Lianhua Qingwen pero isa lamang herbal medicine at hindi lunas sa COVID-19.
Samantala, nagbabala ang PDEA sa sinumang mahuhuling magbenta at bumili ng naturang gamot na walang kaukulang papeles o reseta ay may kaukulang parusa.